Pilipinas, nakapagtala ng local transmission ong Omicron subvariant na BA.2.12.1

Screengrab from DOH’s Facebook video

Nakapagtala ang Pilipinas ng local transmission ng Omicron subvariant na BA.2.12.1, ayon sa Department of Health (DOH).

Sa press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na tatlong bagong kaso ng subvariant ang na-detect sa Western Visayas.

Sa nasabing bilang, isa aniya ang fully vaccinated na returning overseas Filipino mula sa Amerika habang dalawa ang local case, kung saan isa ang bakunado at ang isa ay bineberipika pa.

“Nangangahulugan po na ang mga kasong na-detect natin ay wala na pong kaugnayan sa mga kaso na nagmula sa labas ng bansa,” pahayag ni Vergeire.

Nilinaw din nito na ang local transmission ay hindi pa community transmission.

“Hindi pa ho ito community transmission kung saan malawakan na ang pagkalat kung kaya’t hindi na matre-trace ang linkages ng bawat kaso,” paliwanag nito.

Sa ngayon, umabot na sa 17 ang bilang ng naitalang BA.2.12.1 cases sa bansa.

Isa rito ang ROF na nakatira sa Western Visayas habang 16 ang local cases: dalawa sa National Capital Region, 12 sa Puerto Princesa City, at dalawa sa Western Visayas.

Ani Vergeire, pinapaigting na ng mga lokal na pamahalaan ang 4-Door Strategy upang maiwasan ang pagkalat nito.

Paalala pa nito sa publiko, patuloy na pairalin ang disiplina sa pagsunod sa minimum public health standards at magpabakuna na o tumanggap ng booster shot bialgn dagdag-proteksyon laban sa nakahahawang sakit.

Read more...