Inaabangan na Senado ang pagdating ng 32 certificates of canvass (COCs) para makumpleto na ang gagamitin sa pagbilang ng mga boto sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo.
Nabatid na 141 COCs na ang tinanggap ng Senado at may katumbas itong 81.5 porsiyento.
Pinakahuling dumating ang mga COCs mula sa Tawi-Tawi, Leyte, Davao City, Zamboanga del Sur, 63 barangays sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Siquijor, Bohol at Manila.
Gayundin ang COCs ng overseas absentee voting mula sa Agana, Kuwait, Japan at Oman.
Target ng Senado na madala ang lahat ng COCs at election returns sa Kamara bago sumapit ang Mayo 24 para naman sa joint session ng dalawang kapulungan ng Kongreso bilang National Board of Canvassers para sa 2022 Presidential at Vice Presidential elections.
Samantala, muling nagsimula na muli ang sesyon ng Comelec na umuupo bilang National Board of Canvassers ngayong alas-11 ng umaga upang talakayin ang mga tabulation at audit report sa mga na-canvass na COC.
Tinatalakay din ng NBOC ang mga computation at mga proseso para sa proclamation ng mga nanalong senador at partylist groups.