Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nanasaksihan ng mga kinatawan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagpunit ng mga pulis ng mga balota, na ang video ay viral sa social media.
Ayon kay PNP Officer-in-Charge Vicente Danao Jr., base sa ulat mula sa Bangsamoro Autonomous Region Police Office, ang pagpunit sa mga balota ay nangyari sa Datu Ayunan Elementary School sa MB Kalanganan, Cotabato City.
Aniya, ang mga pulis sa video ay nagsilbi bilang miyembro ng Special Electoral Board.
Ipinaliwanag din aniya ni Cotabato City police director, Col. Rommel Javier nan ang magsara ang mga presinto ng 7:00 ng gabi, bahagi ng mandato ng mga pulis na nagsilbi sa SEB na punitin ang mga hindi nagamit at blanko na mga balota.
Nabatid na base sa Omnibus Election Code na kailangan nang i-dispose ang ‘unused and blank official ballots.’
Dagdag pa ni Danao, ang pagpunit sa mga balota ay nasaksihan ni Arfaj Erven Ahmad, ang Designated Election Supervisor Officer, gayundin ng mga kinatawan ng mga lokal na partido-pulitikal.