Tatanggap ng cash benefits ang mga pambansang atleta na mag-uuwi ng medalya sa kanilang pakikilahok sa nagaganap na 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Ito ang pagtitiyak ni Sen. Sonny Angara, ang author at sponsor ng RA 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.
Sinabi niya na ang mga mag-uuwi ng gintong medalya ay bibigyan ng P300,000, P150,000 naman sa silver medal at P60,000 sa bronze medalists.
Paliwanag niya sa mga team events, ang bawat miyembro ay tatanggap ng 25 porsiyento ng nakalaan na cash benefit.
Dagdag pa ng senador, ang coach ng Filipino medalist ay tatanggap din ng 50 porsiyento ng cash benefit ng manlalaro.
Kasabay nito, pinapurihan ni Angara si Mary Francince Padios, ang unang nagbigay ng gintong medalya sa bansa, mula sa paglahok niya sa Pencak Silat women artistic singles finals.
Umaasa ito na mapapantayan kung hindi man malalagpasan ng Team Philippines ang nahakot na 149 gold medals nang idaos dito sa bansa ang SEA Games noong 2019.