Pinaalalahan ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang mga lokal na opisyal na may tatlong araw sila para linisin ang mga kalat na iniwan ng nagdaang eleksyon.
Sinabi pa ng kalihim na ang responsibilidad ng paglilinis ay hindi lamang sa mga lokal na opisyal kundi maging sa mga kumandidato, nanalo man o hindi.
Sa inilabas na abiso ng kanyang tanggapan, hinikayat ni Año ang mga lokal na opisyal na maayos na itapon ang mga basura alinsunod sa mga batas sa pagbibigay proteksyon sa kalikasan at ordinansa.
Nagbilin rin siya na gamitin ang mga material recovery facility (MRF) sa mga barangay, bayan at lungsod, gayundin ang paggamit muli sa mga reusable at recyclable materials.
Paalala niya, maaring makasama sa kalusugan at kalikasan ang hindi pagtatapon ng campaign materials na gawa sa plastic at non-biogradable materials.
“Hinihimok din po natin ang ating mga kababayan na makiisa sa clean-up drive ng kanilang LGUs at barangay. We have done our part in exercising our rights to vote. Lets continue to participate in governance through our simple ways of cleaning up our neighborhood from election litter,” apela ni Año.
Binanggit nito na noong 2019 midterm elections, umabot sa 168.84 tonelada ng campaign materials ang nakolekta.