Sa kanyang video message sa relief operation ng kanyang team para sa public transport workers sa Valencia City, Bukidnon, umapela si Go sa kanila na tiyakin ang kaligtasan ng mga commuter sa pamamagitan ng umiiral na health protocols. Hinimok din niya ang mga ito na magpabakuna at magpa-booster upang maprotektahan ang kanilang mga sarili at kanilang mga pasahero laban sa COVID-19.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health and Demography, naniniwala si Go na “there is light at the end of the tunnel” kung mananatiling disiplinado ang mga Filipino at tatalima sa mga itinakdang health at safety laban sa COVID-19.
“Magtulungan lang tayo. Sino lang ba ang magtutulungan kung ‘di kapwa nating Pilipino. Kung nasa priority list na kayo, pakiusap lang magpabakuna na kayo. Ang bakuna ang susi o solusyon para unti-unti tayong makabalik sa normal nating pamumuhay gaya noon. Pakiusap lang namin, disiplina at kooperasyon lang,” saad ni Go.
Isinagawa ang relief operation sa Valencia City gymnasium kung saan hinati ng staff ni Go sa mas maliliit na grupo ang 450 beneficiaries na binubuo ng habal-habal at tricycle drivers para sa pamamahagi ng masks at mga pagkain. Nagbigay din ang team ng mga bisikleta, computer tablets at mga bagong pares ng sapatos sa mga piling indibidwal.
Pinayuhan din ni Go ang mga benepisyaryo, partikular ang mga may karamdaman, na bumisita sa Malasakit Center sa Bukidnon Provincial Hospital sa Maramag kung saan maari nilang mapakinabangan ang medical assistance ng pamahalaan.
“Ang Malasakit Center po ay para sa mga poor and indigent patients. Tutulungan ho kayo ng Malasakit Center at wala pong pinipiling pasyente ang Malasakit Center. Ang Malasakit Center ay para po sa Pilipino,” pagtitiyak ni Go.
Sa ngayon, mayroon nang 151 Malasakit Centers sa buong bansa.