Human Rights Watch, umapela kay Marcos na ihinto ang ‘war on drugs’

Photo credit: Human Rights Watch Philippines/Facebook

Umapela ang Human Rights Watch (HRW) kay presidential candidate at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na agad tugunan ang human rights situation sa Pilipinas.

Inilabas ng international group ang pahayag kasunod ng pangunguna ni Marcos sa presidential race ng 2022 National and Local Elections.

Base kasi sa partial at unofficial tally ng Commission on Elections (Comelec) transparency server hanggang 11:47, Martes ng umaga (Mayo 10), nakakuha na si Marcos ng 30,826,024.

Ayon kay Phil Robertson, Deputy Asia Director ng Human Rights, dapat ideklara ni Marcos ang paghihinto ng ‘war on drugs’ na nagreresulta sa umano’y extrajudicial killing.

Dapat din aniyang ipag-utos ni Marcos ang pagsasagawa ng imbestigaston at pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal na responsable sa mga hindi makatarungang pagpatay.

“Marcos should publicly order the military, police and other security forces to cease targeting activists, human rights defenders and journalists for killing and other rights violations,” apela pa ni Robertson.

Dapat aniyang itigil na ang ‘red-taggging’ o pag-aakusa sa mga aktibista at kritiko ng gobyerno na miyembro o tagasuporta ng komunistang grupo.

Sinabi rin ni Robertson na kailangan ang buong kooperasyon ni Marcos sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) ukol sa umano’y “crimes against humanity” na ikinokonekta kay Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal.

“He should support the Philippines rejoining the Rome Statute of the International Criminal Court,” aniya pa.

Dagdag pa nito, “He should otherwise seek to reverse human rights violations by the Duterte administration, notably by dropping the charges against Senator Leila de Lima and ordering her release from detention.”

Read more...