Ang unang pagsabog ay naganap sa Shaab District kung saan ay pinasabog ng isang lalaki ang kanyang sarili sa gitna ng isang pamilihan gamit ang explosive vest.
Siyam ang dead-on-the-spot samantalang dalawampu’t lima ang grabeng sugatan.
Habang nag-iimbestiga ang mga pulis ay isang car bomb naman ang sumabog sa isang checkpoint sa Kzazimiyah District na nagresulta sa kamatayan ng walo katao at pagkasugat ng dalawampu’t tatlong iba pa.
Habang rumeresponde ang mga pulis ay isang car bomb naman ang sumabog sa isa pang Shi’ite Muslim community sa Banook District kung saan anim ang kaagad na nai-ulat na patay at labing lima ang sugatan. Sinundan ito ng isa pang car bombing sa Al-Askan District na nagresulta sa kamatayan ng apat katao at ikinasugat ng labing isang iba pa.
Inako ng grupong Islamic State of Iraq and the Levant (ISIL) ang naturang serye ng pambobomba kasabay ang bantang masusundan pa ang naturang mga pag-atake./Den Macaranas