Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, nahuli ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ang mga dayuhan sa magkakahiwalay na operasyon sa Metro Manila at Pampanga noong Miyerkules at Huwebes.
“They will all be deported for being undesirable aliens, aside from being included in our blacklist and banned from reentering the Philippines,” ani Morente.
Undocumented at overstaying na rin aniya ang mga dayuhan dahil kinansela na ng Korean government ang kanilang mga pasaporte.
Ayon kay BI-FSU Chief Rendel Ryan Sy, naaresto si Kang Ju Hwan, 39-anyos na nahaharap sa kasong may kinalaman sa illegal gambling, sa Clark Freeport sa Mabalacat, Pampanga noong Miyerkules.
Mayroong inilabas na arrest warrant ang Busan district court laban sa kanya dahil sa pag-ooperate umano nito ng illegal gambling sites sa internet nang hindi nagbabayad o nagbabalik ng dibidendo base sa resulta ng laro.
Nakakuha umano si Kang at ang kaniyang mga kasabwat ng 900 million won mula sa nasabing raket, na nagsimula noong Pebrero hanggang Agosto 2019.
Noong Huwebes naman, unang nahuli ng BI ang Paek Sanghun, 41-anyos na wanted dahil sa telecommunications fraud, sa Parañaque City.
May kinakaharap din itong arrest warrant mula sa Suwon district court sa South Korea dahil sa pagkakasangkot umano sa voice phishing operations.
Sa kaparehong araw, naaresto sa Batasan Hills sa Quezon City sina Song Jongmin, 40-anyos, at Kim Kyungmo, 32-anyos, kapwa-wanted dahil sa fraud.
Nahuli rin ng BI si Yang Minseong, 32-anyos, sa isang establisyemento sa Timog Avenue sa Quezon City.
Naglabas ng arrest warrants laban kay Yang dahil sa pagiging miyembro umano nito ng criminal syndicate at dahil sa economic crimes.
Itinuring ng Korean authorities si Yang bilang isa sa mga pinuno ng ‘Kang Minho Pa’, isang voice phishing syndicate na nakapanloko ng aabot sa 1 billion Korean Won mula sa kanilang mga biktima.
“We will not stop until we have deported all illegal aliens and fugitives from our country,” pahayag ni Morente.