Hanggang 90 porsyento ng supporters ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang hindi na magbabago ng isip sa pagboto sa kanya sa May 9, 2022 elections, ayon sa pinakahuling survey ng PUBLiCUS Asia, Inc.
Tinanong sa survey ang mga respondent kung magbabago pa ang kanilang desisyon sa nalalapit na halalan at malaking bilang ang nagsabing buo na ang kanilang pasya sa kanilang kandidato.
Napanatili rin ni Marcos ang malaking kalamangan na 32-percentage points laban sa kanyang pinakamalapit na katunggali batay sa latest results ng PAHAYAG: The Final survey ng PUBLiCUS na isinagawa noong May 2 to 5 na nilahukan ng 1,500 registered voters bilang respondents.
Nakakuha si Marcos ng 54 porsyentong voter preference laban sa kanyang pinakamalapit na katunggali sa pagka-pangulo na si Vice President Leni Robredo, na may 22 porsyentong voter preference.
Nasa ikatlong pwesto si Manila Mayor Isko Domagoso na may 8 porsyento, sumunod sina Senador Ping Lacson, 4 porsyento at Senador Manny Pacquiao, 2 porsyento.
Nakakuha naman ang running mate ni Marcos na si Davao City Mayor “Inday” Sara Duterte-Carpio ng 59 porsyentong voter preference, at napanatili ang kanyang 43-percentage point margin laban sa kanyangbpinakamalapit na katunggali sa pagka-bise presidente.
Napanindigan nina Marcos at Duterte ang pagiging frontrunners sa lahat ng major pre-election surveys ilang araw na lamang ang nalalabi bago ang eleksyon.