Comelec, sinira ang depektibong official ballots, roadshow ballots bago ang eleksyon

Screengrab from Comelec’s Facebook video

Dalawang araw bago ang 2022 National and Local Elections, sinira ng Commission on Elections (Comelec) ang mga depektibong official ballots, roadshow ballots, at iba pang accountable forms, Sabado ng umaga (Mayo 7).

Pinangunahan ang naturang aktibidad ni Comelec Commissioner George Erwin Garcia, kasama si acting spokesperson John Rex Laudiangco.

Sinabi ni Garcia na bahagi ng kanilang quality control effort na matiyak na walang depekto ang mga balota, tulad ng pagkakaroon ng mantsa, maling kulay at sukat, at iba pa.

Nasaksihan ang aktibidad ng media, political parties, at iba pang observer sa National Printing Office sa Quezon City.

Ayon kay Laudiangco, aabot sa 933,311 balota ang sinira ng poll body, kabilang ang 586,988 official ballots at 346,323 roadshow ballots. Ginamit aniya ang mga ito sa voters’ education campaign.

Samantala, sinabi ng Comelec na nasa 67,442,616 ang kabuuang bilang ng official ballots para sa halalan sa Lunes, Mayo 9.

Read more...