Tulad ng ginawa sa Senado, no show na naman ang Pharmally exec sa kanyang hearing! Sa pagkakataong ito, hindi nagpakita si Rose Lin sa unang pag-dinig ng kanyang disqualification case na inihain sa Commission on Elections (Comelec). Ang kasong ito ay tungkol sa malawakang vote buying na diumano ay pakana ng kandidata sa pagka-kongresista. Ayon sa complainant na si Timoteo Salaguste, pinuno ng Persons with Disability sa Quezon City, hihilingin sana niya na i-reset ang pag-dinig dahil nasa isang safe house siya dahil sa mga banta na natatanggap mula nang isampa niya ang kaso. Ang nangyari, walang nagpakita kahit abogado man lang ni Lin sa preliminary investigation ng pagdinig. “May mga reports na nakarating sa atin na paulit-ulit tayong binabanggit ni Rose Lin sa kanyang mga campaign rally at pagalit na sinasabi kung bakit naman natin siya sinampahan ng kaso. Matapos ang mga pagbabanggit niya sa ating pangalan, may mga hindi kilalang lalaki na nagpupunta sa aking tirahan para takutin kami ng aming pamilya,” lahad ni Salaguste. Ito ang pangalawang disqualification case na naisampa laban kay Lin. Ang naunang kaso ay tungkol sa kanyang non-residency kung saan kinwestyon ang paglipat niya sa District 5 ng Quezon City kamakailan lang bago maghain ng kanyang kandidatura. Na-isyu na rin ang subpoena ang Comelec laban kay Lin tungkol sa 237 counts ng vote buying. Nakatakda ang unang pagdinig sa Mayo 16. Nagpatawag na rin ang Office of the City Prosecutor ng Quezon City ng hearing para sa hiwalay pang 290 counts ng paglabag sa Omnibus Election Code. Nauna nang nahatulan ng contempt si Lin dahil sa kanyang patuloy na pagsisinungaling o hindi pagharap sa senado sa mga pagdinig tungkol sa Pharmally. Nang isyuhan ng warrant of arrest, palusot ni Lin na nagkaroon siya ng karamdaman at nag-positive sa Covid ngunit namataan naman siya na patuloy sa kanyang pangangampanya. Asawa ni Lin ang sinususpetyang nagtatago sa Dubai na si Lin Wei Xiong na tumatayong financial officer ng Pharmally, ang kumpanyang kumubra ng limpak limpak na kontrata noong panahon ng pandemya.
MOST READ
LATEST STORIES