Kasama ni Lin na nahaharap sa mga kasong ito ang mga diumano’y kasabwat niya sa malawakang pamimili ng boto sa District 5, Quezon City. Nakatakda sa araw ng Biyernes, Mayo 6, 2022, para makapagsumite si Lin ng kanyang sagot sa patong-patong na complaint sa harap ng Comelec. Patungkol naman ito sa kanyang disqualification case na inihain ng lider ng PWD sa buong Quezon City na si Timoteo Salaguste.
“Nakakasuklam ang ginagawa nilang pamimili ng boto. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang kanilang krimen ng vote buying. Umabot na sa puntong naidikit na sa pangalan ni Rose Lin ang 500 pesos!”sabi ni Salaguste.
Araw ng Miyerkules, inilabas na rin ang nilagdaang subpoena ni Assistant Prosecutor Jerome Christopher Feria, na nagbigay naman sa kampo ni Lin hanggang May 17, 2022 upang sumagot sa mga alegasyon ng pamimili ng boto.
Sa kasalukuyan, nagsusuma-total na ang kaso sa paglabag sa Omnibus Election Code (Section 261) ni Lin sa 600 counts ng vote buying, conspiracy to bribe voters, at di pag sunod sa Election Code.
Nangako naman si Comelec Commissioner George Garcia ng kanilang mabilis na pag-aksyon kung natukoy na mayroong probable cause. Iginiit ni Garcia na may kaparusahan itong isa hanggang anim na taong pagkakabilanggo kung napatunayang naganap ang krimen ng vote buying.
Patuloy na itinatanggi ni Lin ang mga akusasyon laban sa kanya at itinuro sa mga kalaban ang bintang sa kabila ng kaliwa’t kanan na formal complaints. Hinamon ng kampo ng mga Vargas si Lin na wag nang mag-turo at sagutin na lang sa korte ang kanyang mga kaso.
Sabi ni Rhodora Salazar, chief of staff ni Congressman Alfred Vargas, “Ang mainam, dalhin nila ito sa Comelec at patunayan ang mga paratang. Kitang-kita naman na ang lahat ng isyu na ipinupukol nila sa amin ay pawang likha ng kanilang madilim na imahinasyon dahil sa laylay nilang kampanya. Alam po ng mga tao sa buong Quezon City kung sino ang tunay na vote buying queen!”
Maliban sa mga kaso nito sa Comelec, iniimbestigahan din ng BIR si Lin kaugnay Pharmally Scam at sa Tax Evasion at ng Ombudsman naman at AMLC para sa Plunder at Money Laundering.