Apat na araw bago ang 2022 elections sa Mayo 9, nanguna si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isinagawang presidential race survey ng OCTA Research.
Sa inilabas na “Tugon ng Masa” survey results ni OCTA Research fellow Dr. Guido David, lumabas na nakakuha si Marcos ng 58 porsyento.
Pangalawa sa survey si Vice President Leni Robredo na nakapagtala ng 25 porsyento.
Sumunod naman si Manila City Mayor Isko Moreno na may walong porsyento, Sen. Manny Pacquiao na may limang porsyento, habang si Sen. Panfilo “Ping” Lacson naman ay nakakuha ng dalawang porsyento.
Nakakuha naman ng isang porsyento si Faisal Mangondato, at kapwa 0.2 porsyento sina dating Defense Secretary Norberto Gonzales at labor leader Ka Leody De Guzman.
Lumabas din sa naturang survey na 0.1 porsyento sa mga Filipino ang hindi pa alam ang iboboto, 0.04 ang walang iboboto, habang 0.3 naman ang tumanggi.
Ayon kay David, isinagawa ang OCTA Research Presidential Preference Nationwide Survey sa 2,400 respondents sa pamamagitan ng face-to-face interview simula Abril 22 hanggang 25, 2022.