Comelec, hindi pabor na gawing COVID-19 vaccination sites ang polling precincts

Screengrab from Chona Yu’s video/Radyo Inquirer On-Line

Hindi pabor ang Commission on Elections (Comelec) na gawing vaccination sites kontra COVID-19 ang mga polling precinct o mga presinto sa araw ng eleksyon sa Mayo 9.

Ayon kay Comelec Commissioner George Erwin Garcia, maaring malito kasi ang mga botante.

Paliwanag ni Garcia, hindi ang mga presinto ang tamang lugar para sa pagbabakuna.

May tamang oras at tamang lugar aniya ang pagbabakuna.

Sinabi pa ni Garcia na maaari kasing mag-akala ang mga botante na requirement o kailangan munang magpabakuna bago makaboto.

Ayon kay Garcia, bilang miyembro ng komisyon, hindi tama at hindi niya papayagang lagyan ng vaccination site ang mga presinto.

Payo ni Garcia sa Department of Health (DOH), mas makabubuting mag focus muna sa eleksyon ang bansa.

Sa ngayon, sinabi ni Garcia na wala pa namang pormal na liham ang DOH sa Comelec.

Read more...