Kasong vote buying ni Rose Lin, sabay-sabay nang umuusad

Photo credit: Rose Lin/Facebook

Lumabas na ang subpoena laban sa kandidato sa pagka-kongresista na si Rose Lin patungkol sa 290 counts ng vote buying na inihain sa Office of the City Prosecutor ng Quezon City. Kasama ni Lin sa mga ipinapatawag ng hukom ay ang mga kasabwat nito sa diumano’y malawakang pamimili ng boto sa District 5, Quezon City.

Sa nilagdaang subpoena ni Assistant Prosecutor Jerome Christopher Feria, binibigyan ang kampo ni Lin hanggang May 17, 2022 upang sumagot sa mga alegasyon ng pamimili ng boto. Sa kasalukuyan, nagsusumatotal na ang kaso sa paglabag sa Omnibus Election Code (Section 261) ni Lin sa 600 counts ng vote buying, conspiracy to bribe voters, at pangingialam sa Election Code.

Sa inihaing reklamo ng concerned citizens ng Novaliches at youth groups noong Abril 11, 2022, tahasan umanong inamin ni Lin ang kanyang modus sa pagbili ng boto na itinatago sa likod ng ayuda o scholarship. Ang kanyang mga statement ay na-ere pa sa kanyang Facebook Live.

Nauna nang nagpalabas ng subpoena ang Commission on Elections (Comelec) laban kay Lin tungkol naman sa 237 counts ng vote buying. Natanggap na rin niya ang summons para sagutin ang kanyang disqualification case. Nakatakda ngayong May 6 at 16 ang petsa ng pagsagot ni Lin tungkol sa mga ito.

Nangako rin ang Comelec na mabilis nilang dedesisyonan ang mga kasong ito. Sa panayam kay Comelec Commissioner George Garcia, “’Pag mayroon na siyang counter affidavit at yun naman pong nag-hain ng reklamo ay pwedeng mag-file ng reply dun sa sagot ng nireklamo. Pagkatapos nun submitted na ito for decision. So pwede na po natin itong ma-desisyunan kung sa palagay namin ay may probable cause para dalhin ang kaso at sampahan siya sa korte.”

Iginiit ni Garcia na may kaparusahan itong isa hanggang anim na taong pagkakabilanggo kung napatunayang naganap ang krimen ng vote buying.

Patuloy na itinatanggi ni Lin ang mga akusasyon laban sa kanya at itinuro sa mga kalaban ang bintang sa kabila ng kaliwa’t kanan na formal complaints. Hinamon ng kampo ng mga Vargas si Lin na wag nang mag-turo at sagutin na lang sa korte ang kanyang mga kaso.

“Ang mainam, dalhin nila ito sa Comelec at patunayan ang mga paratang. Kitang-kita naman na ang lahat ng isyu na ipinupukol nila sa amin ay pawang likha ng kanilang imahinasyon dahil sa laylay nilang kampanya. Alam po ng mga tao sa buong Quezon City kung sino ang dayo at bagong salta!”

Read more...