Nabigyan na ng pinansyal na ayuda ang 103 pamilya na nasunugan sa Brgy. UP Campus sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, galing sa Philippine Red Cross – Quezon City Chapter ang tig P10,000 ayuda sa bawat house owner na nasunugan.
Nasa P5,000 naman aniya ang natanggap ng bawat pamilyang nangungupahan o sharer.
Base sa Omnibus Election Code – Article XXII Sec. 261, ang pagbibigay ng pamahalaan ng cash relief sa mga biktima ng anumang kalamidad ay kinakailangang i-turnover at ipamahagi ng Philippine National Red Cross, na may patnubay at pahintulot ng Commission on Audit (COA).
Pansamantalang nanunuluyan ang mga pamilyang nasunugan sa Sampaguita at Kamia residence hall.
Nakakuha na rin ang mga biktima ng mga paunang materyales, food pack at hot meals mula sa QC government at mga organisasyon.