Layon ng Republic Act No. 11712 o “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Healthcare Workers Act” na magbigay benepisyo sa lahat ng healthcare and non-healthcare worker, anuman ang kanilang katayuan sa trabaho, sa gitna ng COVID-19 pandemic o iba pang public health emergencies na maaaring maganap.
Nagpasalamat si Quezon 4th District Rep. Angelina “Helen” Tan, na isa sa mga may akda ng naturang batas.
“Lubos ang aking katuwaan na matapos ang mahabang usapin at sa harap ng maraming hinaing ng ating mga health care workers ay mabibigyan na sila ng patuloy na mga benepisyo sa panahon ng COVID-19 at iba pang mga pandemya na maaaring maganap,” pahayag ng tumatayong tagapanguna ng House Committee on Health.
Dagdag nito, “Nagpapasalamat ako sa Pangulong Duterte sa kanyang pagtaguyod sa ating mga workers sa health sector.”
Mahalagang regalo aniya ito sa mga manggagawang pangkalusugan, lalo na sa paggunita ng Labor Day sa bansa.
Sa ilalim ng nasabing batas, makatatanggap ang lahat ng healthcare at non-health care workers ng health emergency allowance sa bawat buwan ng kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya tulad ng COVID-19, depende sa risk exposure categorization: P3,000 para sa mga nagtatrabaho sa low-risk areas; P6,000 doon sa “medium risk areas; at P9,000 kung naka-assign sa “high-risk areas.
Maliban dito, ang mga nahawa ng COVID-19 habang nasa gitna trabaho ay mabibigyan ng kabayaran: P1 milyon para sa mga naulila ng mga namatay; P100,000 para sa mga severe o critical case; at P15,000 para sa mild to moderate case.
Mabibigyan din ang lahat ng healthcare and non-healthcare worker ng full PhilHealth coverage.
Magkakaroon ng retroactive application ang nasabing benepisyo mula Hulyo 1, 2021 at mananatili habang may state of national public health emergency.