Mataas na opisyal ng PNP, isinumbong dahil sa umano’y ‘masamang’ ugali

Iimbestigahan ang isang mataas na opisyal ng pambansang pulisya dahil sa sumbong sa kanyang diumano’y maling inasal sa tanggapan ng CIDG – NCR sa loob ng Camp Crame.

Sinabi ni PNP Chief Dionardo Carlos na maaring maimbestigahan si Police Maj. Gen. Arthur Bisnar, director ng Directorate for Human Resource and Doctrine Management, ng PNP – Internal Affairs Service o ng kanilang Grievance Committee.

Aniya, ang rekomendasyon ng mag-iimbestiga ay isusumite sa Office of the Chief PNP.

Nabatid na umaga noong nakaraang Lunes nang nagtungo sa CIDG – NCR si Bisnar at hinanap si Col. Randy Glenn Silvio matapos umanong murahin si Police Cpl. Gilbert Lim.

Kasunod nito ay minura rin niya si Pat. Dan Salazar dahil sa pagsusuot ng bracelet.

Nang dumating si Silvio ay nakatikim din ito ng masasakit na salita mula kay Bisnar matapos komprontahin dahil lamang sa gate na hindi pa natatanggal

Malumanay naman siyang sinagot ni Silvio sa pagsasabing hinihintay na lamang ang contractor na magtatanggal ng gate.

Kasunod nito ay muling nasigawan si Silvio dahil sa hindi pa naka-uniporme kahit magsisimula na ang flag-raising ceremony.

Binanggit pa ni Silvio sa kanyang sulat kay Carlos na marami ng pulis ang ‘nakatikim’ ng pag-uugali ni Bisnar, na miyembro ng PMA Bigkis Lahi Class of 1990.

Read more...