Interes ng mga pasahero hindi maaring makompromiso, paalala ni Sen. Grace Poe

Nanawagan si Senator Grace Poe kay Transportation Secretary Arthur Tugade na agad nang ayusin ang isyu sa hindi pagbiyahe ng ilang provincial buses dahil sa nadagdagan pa ang paghihirap ng mga pasahero.

Kasabay nito ang apila ni Poe sa provincial bus operators na sumunod sa kanilang mandato na serbisyuhan ang mga pasahero.

Magugunita na noong nakaraang linggo, matapos ang Semana Santa ay naging kalbaryo ang pagbiyahe papasok ng Metro Manila dahil maraming bus sa mga probinsiya ang hindi bumiyahe.

Bunsod ito ng kalituhan na idinulot ng ‘window hours’ sa provincial buses.

“Ang pamantayan dito ay masugid na paglilingkod sa mga pasaherong palabas at papasok ng mga probinsya na kandahirap sa pagbubuhat ng kanilang mga bagahe, kapos sa panggastos at walang lugar na matutuluyan sa Metro Manila,” paalala ng namumuno sa Senate Public Services Committee.

Sinundan pa ito nang pagpapalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng show-cause order sa anim na provincial bus companies para bigyan linaw ang pagkaka-stranded ng maraming pasahero.

Una nang isinulong ng senadora ang pagkakaroon ng ‘seamless connectivity’ sa pampublikong transportasyon para sa mas mabilis at mas maaliwalas na pagbiyahe.

“Nananawagan tayo kay Secretary Tugade para maisaayos ang mga gusot sa pagbiyahe ng ating mga pasaherong pilit na binubuno ang mahabang oras sa kalsada,” sabi pa ni Poe.

Read more...