Isang sinumpaang salaysay ang inilabas ng isang residente sa District 5 sa Quezon City para pabulaanan na nagkaroon ng vote buying sa lugar.
Ayon sa residenteng si Aiza Mojica Cabazares, inutusan siya ng kampo ni Cong. Alfred Vargas at kapatid nitong si Councilor Patrick Michael
Vargas para siraan si Ginang Rose Nono Lin at palabasin na nagkaroon ng vote buying ang kampo ni Lin.
Inamin din ni Cabazares na binayaran siya ng tauhan ng mga Vargas na si Sybhel Cordero para mag-espiya laban sa kampo ni Lin.
Aniya, bahagi ng utos sa kanya ng Vargas camp na kumuha ng mga larawan at video kung saan palalabasin na namimili ng boto si Lin , at sa katunayan ay binigyan siya ng cellphone na gagamitin sa pagkuha ng larawan.
Gayunman, nilinaw ni Cabazares na ang mga larawan na nakuha niya sa kampo ni Lin ay hindi sa vote buying kundi sa scholarship na nakuha ng kanyang anak.
Kinunan niya aniya ito ng larawan dahil natuwa siya sa scholarship na naitulong ni Ginang Lin sa kanilang pamilya.
Nagulat na lamang aniya siya nang palabasin ng kampo ng mga Vargas na ang larawan ay kuha sa vote buying.
Inamin din ni Cabazares na 9 silang inutusan at aniyay binabayaran ng tauhan ng mga Vargas para mag-espiya at gumawa ng paninira laban kay Lin.