Sen. Sotto, kinuwestiyon ang pagpapalit ng Smartmatic ng sistema ng transmission of votes

Photo credit: Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III/Facebook

Nangangamba si Senate Presidente Vicente “Tito” Sotto III na maging daan para pagdududahan ang eleksyon sa Mayo 9 dahil sa ginawang hakbang ng Smartmatic.

Ibinahagi ni Sotto na nagpalit ang Smartmatic ng network technology, mula 3G ay ginawang 4G, para sa transmission ng election results.

Dagdag pa niya, magiging ‘untraceable’ ang pagpapadala ng mga impormasyon na magmumula sa vote counting machines (VCMs).

Aniya, nalaman niya ito mula kay Atty. Ivan Uy, ang Information Technology expert ng Senado at ang kanilang kinatawan sa Joint Congressional Oversight Committee hearing noong Huwebes ng gabi, Abril 21.

Dagdag pa ni Sotto, nabanggit din ito sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos.

“I was just informed by the IT representative of the Senate in the JCOC that Comelec has given Smartmatic the award for the transmission of votes and they changed it from 3G to 4G. Okay ‘yan dahil upgrade but lumalabas because of the upgrading, we cannot track where the transmissions will be coming na VCM,” sabi ni Sotto.

Sa press conference nila ni independent presidential candidate Ping Lacson sa Antipolo City matapos ang kanilang town hall dialogue, ibinahagi ni Sotto ang panibagong hakbang ng Smartmatic at aniya, hiningi na niya ang paliwanag ni Comelec Comm. George Garcia.

Kakausapin din aniya niya si Marcos para magpatawag pa ng pagdinig at aniya, may panahon pa upang gawin ito.

Read more...