Dahil ipinagpaliban ang nakatakda ng ikatlong presidential at vice presidential debates ng Commission on Elections (Comelec), ikinukunsidera na ng tambalan nina Panfilo “Ping” Lacson at Vicente “Tito” Sotto III na hindi na dumalo.
Ayon kina Lacson at Sotto, naayos na nila ang kanilang mga schedule para sa natitirang araw ng pangangampaniya.
“Pinostpone nila yung April 24 na presidential debate to May 1, we cannot make those adjustments anymore kasi nakakasa na yung May 1. Yung sa vice presidential naman from April 23, ginawang April 30, we cannot also make adjustments just like that because we have our coordinators already making or already have made their preparations for those activities,” sabi ni Lacson.
Sa labis naman na pagkadismaya, nagpasaring si Sotto na mabuting ikansela na lamang ang debate kahit gustung-gusto niya na humarap para tanungin ang kanyang mga kalaban kung anu-ano ang kanilang nagawa sa kasagsagan ng pandemya.
“Kami ni Ping pumasok kami sa Senado para sa mga mahahalagang panukala kahit delikado,” sabi pa ng vice presidential aspirant.
Dagdag pa niya, “I’m seriously considering skipping the debates. I cannot just move my schedule like that. Napakaraming nakaschedule sa akin ng [I have a lot of activities scheduled on] 29, 30 and going into the last week of the campaign. Tutal yung mga questions nila wala namang ka-kwenta-kwenta.”