Sa katuwiran na tuwing tatlong taon lamang ang eleksyon sa bansa, pabor si Senator Pia Cayetano na hindi na buwisan ang bayad sa mga guro na magsisilbi sa papalapit na eleksyon.
Sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Senate Ways and Means, nalaman ni Cayetano na sa mga nakalipas na halalan hindi binuwisan ang bayad sa mga guro na magsisilbi sa Board of Election.
Aniya noon lamang 2019 nang patawan ng limang porsiyentong buwis ang bayad at sa eleksyon ngayon taon ay 20 porsiyento ang sisingilin.
“What is my personal take here? I know the hard work of teachers. Napakabigat ng additional burden na binigay natin historically sa kanila to be in charge, di nga lang to assist, talagang be in charge of election. And I think it’s a small show of support that we can do kung hindi na sila mata-tax,”aniya.
Gayunpaman, sinabi ni Cayetano na naiintindihan niya ang Department of Finance sa posisyon na nakasaad sa batas na dapat ay buwisan ang lahat ng kompensasyon.
Tiwala naman ang senadora na kung sasang-ayon ang mga miyembro ng komite maihahabol ang anumang rekomendasyon dahil sa susunod na taon pa sisingilin ang mga guro kung dapat buwisan ang kanilang election duty honoraria at allowances.
Sina Sens. Koko Pimentel at Sherwin Gatchalian ay pabor na may ‘tax exempted’ ang bayad sa mga guro.