Inaasahan ngayong linggo na magsusumite sa Malakanyang si Interior Secretary Eduardo Año ng listahan ng mga pangalan na maaring ipalit kay Philippine National Police (PNP) Chief Dionardo Carlos.
Nakatakdang magretiro sa serbisyo si Carlos sa Mayo 8, isang araw bago ang eleksyon.
Ayon kay Año, wala pang impormasyon na palalawigin ni Pangulong Duterte ang termino ng kasalukuyang hepe ng pambansang pulisya.
Pag-amin ng kalihim, wala din siyang rekomendasyon na palawigin sa puwesto si Carlos.
“There is no guidance from PRRD. So far, Gen. Carlos will retire as scheduled,” sabi pa ni Año.
Dagdag pa ng opisyal, may dalawang opsyon ang Punong Ehekutibo; palawigin ang termino ni Carlos hanggang Hunyo 30 o magtalaga na lamang ito ng officer-in-charge ng PNP.
Ngunit, sabi pa ni Año, sa kanyang palagay ay hindi palalawigin sa puwesto si Carlos para makaiwas sa anumang isyu.