Pag-aresto sa mga Navy na sangkot sa Pestaño murder, pinagtibay ng CA

Ensign Philip PestañoKinatigan ng Court of Appeals (CA) ang pagpapa-aresto ng Manila Regional Trial Court (RTC) sa walo sa sampung tauhan ng Philippine Navy na nakasuhan kaugnay ng pagpatay kay Ensign Philip Pestaño noong 1995.

Nakasaad sa desisyon ng CA Special 6th Division na isinulat ni Associate Justice Nina Antonio-Valenzuela na walang naganap na grave abuse of discretion sa panig ni Manila RTC Judge Josefina Siscar nang makitaan niya ng sapat na batayan ang pagpapa-aresto sa kanila.

Sinabi rin dito na sinunod naman ni Siscar ang batas nang siyasatin niya ang iba pang mga kaugnay na dokumento bukod sa charge sheet.

Ibinasura naman ng CA ang apela ng mga akusado na walang probable cause sa pagpapa-aresto sa kanila dahil lumalabas sa ebidensya na wala silang kasalanan sa sinasabing murder.

Ang mga ipinapa-aresto base sa warrant ay sina Retired Navy Capt. Ricardo Ordoñez, Cmdr. Reynaldo Lopez, Lt. Cmdr. Luidegar Casis, Lt. Cmdr. Alfrederick Alba, Lt. Cmdr. Joselito Colico, Hospital Man 2 Welmenio Aquino, Machinery Repairman 1st class Sandy Miranda, Retired PO1 Carlito Amoroso, PO2 Leonor Igcasan at retired Lt. Cmdr. Ruben Roque.

Walo lang ang umapela sa CA dahil hindi na sumama sa mga naghain sina Roque at Amoroso.

Magugunitang si Pestaño ay natagpuang patay at may tama ng bala sa kanang sentido sa loob ng kaniyang cabin sa BRP Bacolod City na barko ng Navy na bumalik sa Maynila mula Tawi-Tawi noong September 1995.

May nakita pa umanong suicide note para sa pamilya ni Pestaño, ngunit lumabas sa mga imbestigasyon ng Senado at Armed Forces of the Philippines na murder at hindi suicide ang nangyari.

Napag-alaman na may alam pala si Pestaño sa mga iligal na gawain sa BRP Bacolod City na posibleng motibo sa pagpatay sa kaniya./ Kathleen Betina Aenlle

Read more...