Kampo ni Duterte, humingi agad ng paumanhin kay Quiboloy

WILLIE LOMIBAO / INQUIRER NORTHERN LUZON
WILLIE LOMIBAO / INQUIRER NORTHERN LUZON

Humingi na ng paumanhin ang kampo ni presumptive President Rodrigo Duterte sa pastor na si Apollo Quiboloy na nagpahayag ng pagka-dismaya umano sa mga napiling miyembro ng gabinete ng kaniyang matalik na kaibigan.

Tila nag-tampo rin si Quiboloy dahil mula nang matapos aniya ang halalan ay hindi na sila muling nagkausap ni Duterte at ni hindi man lang siya kinokonsulta sa mga hakbang nito.

Sa isang panayam, ipinaabot ng tagapagsalita ni Duterte na si Peter Laviña ang kanilang paghingi ng paumanhin sa kampo ni Quiboloy, at sinabing umaasa silang maaayos rin ang hindi pagkakaintindihan na ito.

Nilinaw rin ni Laviña na hindi totoo ang pamba-balewala at unti-unting pag-alis kay Quiboloy sa core group ng presumptive president.

Ayon pa kay Laviña, hindi naman nila intensyon na mangyari ito, at nagpapatuloy pa naman ang proseso ng paghingi nila ng payo sa lahat.

Sinabi rin ng tagapagsalita ni Quiboloy na si Mike Abe na mula nang matapos ang halalan ay wala pang maayos na komunikasyon ang dalawa, dahil lagi daw silang hinaharangan ng mga nasa paligid ni Duterte.

Kaugnay nito, umaasa si Laviña na makapag-kita at makapag-usap nang muli sina Duterte at Quiboloy na matagal nang magkaibigan.

Nakatitiyak aniya siya na magkikita rin ang dalawa hindi lang bilang magkaibigan, kundi para maka-konsulta na rin si Duterte tungkol sa mga pinagpi-piliang appointees na hindi pa napapangalanan.

Nagpaliwanag rin si Laviña na hindi nila inasahan ang pagdagsa ng mga nais bumati kay Duterte, na ngayon ay namamahinga muna pagtapos ng sunud-sunod na pagpupuyat sa mga pulong./ Kathleen Betina Aenlle

Read more...