Iimbestigahan ng pambansang-pulisya ang alegasyon ng isang forensic pathologist na palsipikado ang death certificates ng ilan sa mga napatay sa ‘war on drugs’ ng gobyerno.
Sinabi ni PNP spokesperson, Col. Jean Fajardo kailangan din na beripikahin nila ang naging pahayag ni Dr. Raquel Fortun.
“On the part of the PNP, we have to also validate and see for ourselves kung ano-ano itong cases na ‘to. Mahirap magbigay ng general statement considering na hindi naming alam kung ano yung mga case na nag-undergo ng independent forensic examination nung grupo ni Dr. Fortun but nonetheless we respect their independent findings,” sabi pa ni Fajardo.
Dagdag pa ng opisyal na sa ngayon ay ipinapalagay pa rin nila na sumunod sa proseso ang kanilang mga imbestigador at forensic doctors.
Una nang sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na iimbestigahan din nila ang mga pahayag ni Fortun.
Ayon kay Fortun, nakapagsagawa siya ng re-autopsy sa 46 sa mga napatay at aniya may isa na walang death certificate at may pitong death certificates na nagsabing namatay sa sepsis, pneumonia at hypertension ang mga biktima.