Kampaniya laban sa content piracy pinalakas ng Globe

Muling napabilang ang Pilipinas sa mga bansa na nangunguna sa ‘illegal streaming and downloading’ ng online contents, kasama ang Vietnam at Malaysia,

“Ang mga masasamang epekto ng online piracy ay hindi dapat maliitin. Patuloy na pinapalakas ng Globe ang mga inisiyatiba para mapigilan ang piracy para sa ikabubuti ng lipunan. Kami ay nakikipagtulungan sa coalitions at partners tulad ng Asia Video Industry Association (AVIA) at ng IPOPHL para masugpo ito,” sabi ni Globe Chief Information Security Officer Anton Bonifacio.

Sa bagong YouGov 2022 Piracy Landscape Survey na pinangasiwaan ng AVIA Coalition Against Piracy (CAP), 61% ng lokal na lumahok sa survey ay nakakonsumo na ng mga pirated content. Ang pangunahing pinagmumulan ng mga pirated content ay ang social media at messaging platforms na nasa 44%.

Mga bahagi ng pelikula ang karaniwang ipinakikita sa Facebook at Tiktok, samantalang ang pirated content naman ay ibinebenta sa Facebook marketplace.

Sa kabilang banda, tinuturuan ng Globe ang mga subscriber kung paano maging responsable at matalino sa pagkonsumo ng online content mula nang ilunsad ang #PlayItRight campaign noong 2017. Ang inisiyatibong ito ay sumasaklaw sa iba’t ibang industriya tulad ng pelikula, kanta, laro, digital literacy, at edukasyon.

Bukod sa pagharang sa mga kumpirmadong piracy site, ipinaaalam din ng kampanya sa mga konsumer na ang mga piracy website ay pugad ng mga ilegal na online activities, malware, at iba pang panganib sa cybersecurity.

Sa pamamagitan ng Digital Thumbprint Program, tinutulungan ng Globe ang sektor ng edukasyon at industriya ng libangan. Ang adbokasiya na ito ay nakapaloob na sa kurikulum ng Department of Education mula noong 2019.

Naaayon sa kampanya nito para mas maging ligtas ang Internet, inaasahan ng Globe ang pagpapatupad ng mga bagong batas na magbibigay parusa sa sekswal na pag-abuso at pag-exploit sa mga kabataan online.

Read more...