Umabot sa 307,396 ang kabuuang bilang ng ridership sa unang araw ng libreng sakay sa ilalim ng Service Contracting Program Phase 3.
Sinimulan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang programa sa ikatlong pagkakataon noong Abril 11, sa pangunguna ng EDSA Busway Carousel at mga ruta na kalahok sa programa sa ilang bahagi ng bansa.
Ikinasa ang naturang programa upang matulungan ang mga operator at driver na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa ilalim nito, babayaran ng gobyerno ang mga kalahok na operator at driver, base sa bilang ng biyahe na kanilang itinakbo kada lingo.
Samantala, naseserbisyuhan ang mga health worker at Authorized Persons Outside of Residence (APOR) sa pamamagitan ng libreng sakay.
Tiwala si Transportation Secretary Art Tugade na malaking tulong ang dagdag na kita sa mga kalahok sa programa, gayundin ang pamasaheng matitipid ng mga commuter.