Nanawagan si PROMDI presidential aspirant Manny Pacquiao sa sambayanan na patuloy na pagtiwalaan ang Commission on Elections (COMELEC).
Gayundin, sinabi ni Pacquiao na hindi dapat mawawala ang kumpiyansa sa sistemang pang-halalan sa bansa.
Ginawa ni Pacquiao ang panawagan sa gitna ng lumalawig na pagkabahala sa integridad ng eleksyon kasunod na rin ng mga reklamo ukol sa unang araw ng Overseas Absentee Voting kahapon.
“Magtiwala lang tayo sa Comelec at sa lahat ng mga namamahala at sa mga guro na in-charge sa election. Alam naman natin ang trabaho nila, ginagampanan talaga nila para makita ang malinis at matagumpay ang halalan 2022,” sabi pa nito.
Magugunita na nagkaroon ng mga kalituhan sa pagkasa ng overseas absentee voting sa ilang embahada at konsulado ng bansa.
May mga pagboto pa na hindi natuloy dahil sa ibat-ibang kadahilanan.