Umakyat na sa tatlo ang bilang ng nasawing indibiduwal dahil sa pananalasa ng Bagyong Agaton.
Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bandang 3:00, Lunes ng hapon (April 11), napaulat na dalawang katao ang nasawi sa Monkayo, Davao de Oro habang isa naman sa Cateel, Davao Oriental.
Samantala, isa naman ang nawawala sa bayan ng Monkayo.
Ayon pa sa NDRRMC, umabot na sa 86,515 na pamilya o 136,390 katao ang apektado ng bagyo sa bahagi ng Region 6, Region 7, Region 8, Region 10, Region 11, Region 12, CARAGA, at BARMM.
Sa ngayon, 71 ang itinalagang evacuation centers sa iba’t ibang parte ng bansa.
Nasa 13,049 ang displaced persons sa loob ng evacuation centers habang 25,485 naman sa labas ng evacuation centers.
Sinabi ng ahensya na patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang assessment sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa huling abiso ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa karagatang-sakop ng Marabut, Samar dakong 1:00 ng hapon.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 60 kilometers per hour.