Inindorso ng ibat-ibang Muslim groups, non-government organizations sa ZAmboanga, Basilan, Sulu at Tawi-tawi ang kandidatura ni Aksyon Demokratiko presidential candidate Manila Mayor Isko Moreno.
Kabilang sa mga nag-indorso kay Moreno ang grupong ZamBaSulta Isko Kami na pinamumunuan ni Engr. Michael Abubakar; United Sama Badjau Association Inc. (USBA) na pinamumunuan ni Panglima Adim Atti; at Region IX and Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) chapters of the Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC).
Ayon kay Jerson Monteverde, chairman ng MRRD-NECC Region 9, si Moreno ang nakikita nilang kwalipikado na mamuno ng bansa.
“Kami po ay taos-pusong nanunumpa na ang aming full support, sa iyo Isko, Doc Willie (Ong) at sa iyong grupo. Kami ay nanunumpa na buong puso naming susuportahan ang kandidatura mo. Wala kaming ibang susuportahan,” pahayag ni Monteverde.
Taos pusong nagpasalamat naman si Moreno sa suporta na ibinigay sa kanya ng mga taga-Mindanao.
“I am happy and honored to be here in Zamboanga. You went all the way, gumastos pa kayo. Naghanda pa kayo ng headquarters para sa amin. Kami ni Doc Willie, taos-puso kaming nagpapasalamat sa hirap, sa pagod, gastos niyo, sa pagpupursige. Maraming-maraming salamat,” pahayag ni Moreno.
Ayon kay Moreno, ang nakuhang suporta sa naturang grupo ay patunay na maaring magkaisa ang mga Kristyano at mga Muslim at sama-samang mamuhay ng tahimik.
“Talagang totoong pwedeng makapamuhay ang sinuman, Kristiyano, Muslim, puwedeng magkasama, pwedeng makapamuhay ng mapayapa,” pahayag ni Moreno.