Oplan Metro Alalay Semana Santa ikakasa ng MMDA

Simula bukas ang pagkasa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng kanilang  Oplan Metro Alalay Semana Santa (Oplan MASS) 2022.

Gagawin ito ng ahensiya sa pakikipagtulungan at koordinasyon sa PNP, local government units, traffic bureaus at iba pang kinauukulang ahensiya.

Kabuuang 2,681 tauhan ng ahensiya ang ipapakalat simula bukas hanggang sa Abril 19 sa mga pangunahing lansangan, major transport hubs at mga mahahalagang lugar para masiguro ang maayos at ligtas na pagbiyahe sa paggunita ng Semana Santa.

Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes malaking bilang ng kanilang mga traffic personnel ay itatalaga sa mga lansangan na patungo sa bus terminals, seaports, airport at mga malalaking simbahan.

Babantayan din ang mga lansangan na palabas at papasok ng Kalakhang Maynila, partikular na ang NLEX, SLEX, Coastal Road, McArthur Highway, Mindanao Avenue at A. Bonifacio Avenue.

Nagdeklara na rin ang MMDA ng ‘no day off and no absent policy’ para sa lahat ng kanilang field personnel.

Dagdag pa ni Artes suspindido din ang number-coding scheme sa Huwebes Santo (Abril 14) at Biyernes Santo (Abril 15).

Read more...