Paliwanag ng ahensya, bahagi ito ng pagsuporta sa Oplan Biyaheng Ayos: Summer Vacation 2022 ng Department of Transportation – Philippines (DOTr).
Alinsunod sa direktiba ni Transportation Secretary Art Tugade, inatasan ni LTFRB Chairman Martin Delgra III ang lahat ng pinuno ng ahensya sa pangunguna ni Executive Director Kristina Cassion, mga hepe ng Central Office at Regional Directors sa buong bansa, na makipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Ito ay upang matiyak ang kaligtasan at seguridad sa lahat ng mananakay at siguro ang pagsunod ng bus terminals sa mga alituntunin ng ahensya.
Inaasahan na kasi ang pagdagsa ng mga pasahero sa nalalapit na Semana Santa.
Sa Metro Manila, narito ang mga terminal na maaring puntahan ng pampublikong mananakay:
1. PITX (1 Kennedy Road, Tambo, Parañaque City)
2. SRIT (SM City Sta. Rosa, Sta. Rosa, Laguna)
3. NLET (Philippine Arena Compound, Bocaue, Bulacan)
4. Araneta Center Terminal (Times Square Ave, Cubao, Quezon City)
Pwedeng puntahan ang private terminals ng bus operators simula bandang 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga, alinsunod sa bagong “Window Scheme” na pinapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Bilang paghahanda sa Semana Santa, magsasagawa ang LTFRB ng random inspection sa mga bus upang masiguro ang road worthiness ng mga sasakyan at kaligtasan ng mga pasahero.
Magtatalaga rin ng mga Malasakit Help Desk kung saan maaaring magtanong o magsumbong ang mga commuter.
Paalala sa mga commuter, patuloy na sundin ang health at safety protocols upang maiwasan ang pagkahawa sa COVID-19 at ligtas na makabiyahe.