Partylist umapila na ituloy ang distribusyon ng fuel subsidy sa public transport sector

Idinagdag na ng PASAHERO Partylist ang kanilang boses sa mga apila sa Commission on Elections (COMELEC) na bigyan ng exemption sa election spending ban ang pamamahagi ng fuel subsidy sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Nagpadala na sina PASAHERO founders Allan Yap at Robert Nazal ng liham kay Comelec Chairman Saidamen Pangarungan at hiniling na maipagpatuloy ang pagbibigay ng ayuda sa public transport drivers at operators.

“Bilang kinatawan ng libu-libong tsuper ng bus, jeep, tricycle at iba pang PUVs sa iba’t ibang panig ng bansa, nakikiusap tayo sa mga kinauukulan na ‘wag namang dagdagan ang hirap na dinaranas nila. Sila ang sektor na hinagupit ng paulit-ulit na lockdown dahil sa pandemya, at ngayon dumaranas ng panibagong dagok dahil sa pagsirit ng presyo ng krudo,” ayon kina Yap at Nazal.

Magugunita na ipinatigil ng Comelec noong nakaraanf Marso 25 ang pamamahagi ng P6,500 fuel subsidy dahil sa pag-iral ng public spending ban.

Nabatid na sa 377,000 benepisaryo, 110,000 pa lamang ang nabigyan ng nabanggit na ayuda.

Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay una nang nakiusap sa Comelec na maipagpatuloy ang distribusyon ng ayuda.

“Hindi makatarungan na ipagkait natin sa kanila ang munting tulong sa pamamagitan ng fuel subsidy. Maliit na bagay lang ito kumpara sa kanilang naitutulong sa ating mga mananakay lalo na sa mga panahong humahagupit ang COVID-19 pandemic,” dagdag pa ng dalawang nagtatag ng Passengers and Riders Organization, Inc.

Read more...