Pinag-isa na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang tatlong petisyon para sa umento sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Ito ang sinabi ni DOLE – National Capital Region Dir. Sarah Buena Mirasol at aniya ang tatlong petisyon ay para sa umento na P213 hanggang 250.
Ayon pa sa namumuno ng wage board, wala pa silang aksyon sa petisyon na across-the-board wage adjustment na P470 na inihain naman ng Trade Union Congress of the Phils. (TUCP).
Paliwanag nito hindi sakop ng wage board ang ‘across the board wage increase’ at hindi rin ayon sa Republic Act 6727.
Ibinahagi naman ni Mirasol na may bagong petisyon ang TUCP at bagamat hindi na ito ‘across-the-board,’ katulad pa rin ang hinihingi na umento.
Nakatakda nang magsagawa ng konsultasyon ang wage board sa sektor ng paggawa sa darating na Biyernes, Abril 8 at masusundan sa Abril 19 para naman sa grupo ng mga negosyante.