Dalawang Koryanong sangkot sa telco fraud, arestado sa Pasay

Arestado ang dalawang South Korean national na wanted dahil sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, nahuli ng mga tauhan ng BI Fugitive Search Unit (FSU) ang dayuhang sina Han Sangkyung at Jo Sunglae, kapwa 35-anyos, sa Pasay City.

Nakatakda nang ibalik si Han sa South Korea dahil nailabas na ang deportation order laban sa kaniya noong 2017.

Sasailalim naman si Jo sa deportation proceedings ng BI Legal Division.

“The two of them will be expelled, blacklisted and banned from re-entering the country for being undesirable aliens,” pahayag ni Morente.

Ayon naman kay BI-FSU Acting Chief Rendel Ryan Sy, mayroong red notices ang Interpol laban kina Han at Jo dahil sa arrest warrants na inilabas ng mga korte sa South Korea.

Aniya, mahigit anim na taon nang nagtatago sa Pilipinas si Han simula nang dumating noong February 2016, habang si Jo naman ay halos limang taon simula nang dumating noong July 2017.

Base sa impormasyon mula sa National Central Bureau (NCB) ng Interpol sa Maynila, wanted si Han dahil sa umanong pamumuno sa isang telecom fraud syndicate na nanloko sa mga kababayan, kung saan aabot sa 80 million Korean won o US$66,000 ang nakuha.

Samantala, itinuro naman si Jo bilang miyembro ng isa pang voice phishing syndicate na nakapanloko sa mga biktima ng humigit-kumulang 52.5 million won o US$43,200.

Kinansela na ng South Korean government ang pasaporte ng dalawang dayuhan.

Sa ngayon, nakakulong ang dalawang dayuhan sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Read more...