LPA sa loob ng bansa, malabo pang maging bagyo sa susunod na 24 oras

DOST PAGASA satellite image

Patuloy na tinututukan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon kay PAGASA Weather Specialist Ana Clauren, huling namataan ang LPA sa layong 260 kilometers East Northeast ng Davao City.

Base sa pinakahuling analysis ng weather bureau, mababa pa rin ang tsansa na maging bagyo sa susunod na 24 oras.

Ngunit, ani Clauren, nananatili pa rin sa karagatan ang naturang sama ng panahon kung kaya’t hindi pa rin inaalis ang posibilidad na ma-develop o mabuo bilang bagyo sa mga susunod na araw.

Nagdudulot ang LPA ng kalat-kalat hanggang sa malawakang pag-ulan sa buong Visayas at Mindanao.

Samantala, umiiral naman ang shearline sa bahagi ng Southern Luzon.

Dahil dito, patuloy na makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Bicol region, at Quezon.

Mahina hanggang katamtamang pag-ulan din ang dala ng nasabing weather system sa Metro Manila, Central Luzon, at nalalabing parte ng CALABARZON at MIMAROPA.

Apektado naman ang Northeasterly surface windflow sa Cagayan Valley.

Magiging bahagyang maulap naman ang papawirin sa Ilocos Region at Cordillera Administrative Region.

Bunsod nito, nagpaalala ang PAGASA sa mga residente na maging alerto dahil maaring makaranas ng pagbaha o pagguho ng lupa ang nararanasang pag-ulan.

Read more...