Estate tax issue, ‘desperate move’ laban kay BBM – Enrile

Photo credit: former Sen. Bongbong Marcos/Facebook

Tinawag na “desperate move” ni dating Senador Juan Ponce Enrile ang ‘estate tax’ issue laban kay Presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Tinatayang aabot sa P203 bilyon umano ang hindi pa nababayarang buwis ng pamilya Marcos sa gobyerno.

Sinabi ni Enrile na pakulo ito ng mga kalaban sa pulitika ni Marcos dahil mataas aniya ang tsansa na manalo si Marcos, kasama ang katambal sa UniTeam na si Vice Presidential candidate Sara Duterte-Carpio sa May 9 polls.

“Ang paningin ko, desperate na sila eh, desperate na ‘yung kalaban ni Bongbong, wala silang kalaban-laban eh. Tanungin mo maski sino. Kung pupunta sila rito sa aking lugar, sa ibang probinsya dito sa Norte hanggang sa Mindanao, marami akong mga kaibigan na taga-Mindanao, sinasabi ko, ‘malaki ba ang boto nitong sinasabi na pangalawang mataas?’ Kalimitang sinasabi, sino ba ‘yun, sino ba ‘yun?,” saad ni Enrile sa isang pahayag.

Giit pa ni Enrile, hindi maaring ipataw kay Marcos ang naturang utang dahil sa dalawang rason; una ay buhay pa ang presidential aspirant at pangalawa ay hindi pa naibibigay ang mana sa nakababatang Marcos.

May kwestiyon din aniya kung sino ang dapat na magbabayad ng estate tax.

“Yun bang eredero o ‘yung namatay? Baka sasabihin nila, paano magbabayad ng tax ‘yung namatay?’ Hindi nila nalalaman na ‘yung estado o estate na tinatawag sa Ingles, ay ‘iyun ang tax payer eh, estate of the deceased, represented by the executor of the will, kung may will, or by the estate administrator, appointed by the court to gather all the assets and gather all the liabilities, and then, levied the assets after payment of taxes to the heirs, ‘yun ang prinsipyo ng estate tax eh,” ani Enrile.

Dagdag nito, “Hindi naman namatay si Bongbong, bakit meron siyang estate tax?”

Itinanong din ng dating senador kung sino ang taxpayer ng estate at sino ang magbabayad ng tax estate.

Ani Enrile, ilan lamang ito sa mga isyu na dapat mabigyang linaw ng korte, habang pending pa rin sa Court of Appeals ang isyu ng estate tax ng pamilya Marcos.

Tungkulin lamang aniya ng estate administrator na “gather the assets, gather the liabilities and then establish the plan of partition, sell the assets to pay liabilities.”

Dagdag pa ni Enrile, walang violation kung ang estate administrator ay hindi nakapagbenta ng mga asset at nakapag-liquidate ng mga pagkakautang at kung isinama ito sa tax returns.

Read more...