Ginawa ni Legarda ang panawagan kasabay nang paggunita sa bansa ng Filipino Food Month na may temang ‘Pagkaing Pilipino: Susi sa Pag-unlad at Pagbabago.’
Sinabi nito na bahagi ng pagkakakilala sa mga Filipino ang natatanging pagkain at luto.
Parte na rin aniya ito ng kulturang Filipino at pagkain din ang nagbubuklod sa mga sambayanan.ba-
“Mahalagang bahagi ng ating pagkakakilanlan at kultura ang ating pagkain. Bukod sa isinasalaysay nito ang ating kuwento bilang isang bansa, pinagbubuklod rin nito ang ating diwa bilang mga Filipina,” aniya.
Katuwiran pa nito, dahil binubuo ang Pilipinas ng napakaraming mga isla, sadyang may mga pagkakaiba ang luto ng mga pagkaing nakasanayan ng ating mga kababayan at iba-iba ang panlasa ng mga Filipino.
Ito aniya ang dahilan kayat dapat ay ipakilala sa ibang rehiyon ang mga natatanging pagkaing Filipino maging sa ibang mga bansa.
Isinulong ni Legarda sa Kamara ang House Bill No. 10551 o ang Philippine Culinary Heritage Act, na ang layon ay mapagtibay ang culinary heritage sa bansa.
“Maraming mga putahe o recipe ang naipasa mula sa mga unang henerasyon ang ngayon ay ine-enjoy pa din ng mga Filipino habang ang iba naman ay ginawan ng ibat-ibang version. Ito ang nararapat na pagyamanin sa tulong na rin ng ating magagaling na research chef at ibang culinary professional,” dagdag pa nito.
Kapag naging batas naman ang panukala, magiging bahagi ng mandato ng Department of Education, Department of Agriculture, Department of Science and Technology at Department of Tourism na magsagawa ng food heritage mapping at regional identity mapping.
Magiging daan din ang panukala sa pagbuo ng Committee on Philippine Gastronomy and Culinary Heritage.