Inanunsiyo na ni independent presidential candidate Ping Lacson na hindi siya lalahok sakaling imbestigahan sa Senado ang isyu ng higit P200 bilyon utang sa estate tax ng pamilya-Marcos.
Katuwiran ni Lacson, sangkot sa isyu ang isa pang presidential candidate, si dating Sen. Bongbong Marcos.
“I will have to inhibit kasi ‘yung involved doon sa issue na ‘yon presidential candidate. So, this early sasabihin ko mag-i-inhibit ako from attending kung ano man ‘yung hearing,” sabi pa nito kasabay nang pangangampaniya nila sa Romblon ng kanyang running mate, si Tito Sotto.
Sinabi naman ni Sotto na maari naman magsagawa ng pagdinig base sa resolusyon na inihain ni Sen. Koko Pimentel, na nais malaman kung may naging kapabayaan ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng Bureau of Internal Revenue kayat hindi nasingil ang utang sa buwis ng mga Marcoses.
Itinuro niya ang Blue Ribbon Committee ni Sen. Dick Gordon, Finance Committee ni Sen. Sonny Angara at Ways and Means Committee ni Sen. Pia Cayetano, na maaring pangunahan ang imbestigasyon.