Kumpirma ng municipal government ng Magsaysay sa Davao del Sur ang unang kumpirmadong kaso ng Avian Influenza (AI) H5N1 o mas kilala bilang Bird Flu.
Ayon kay Municipal Agriculturist Helen Carampatana, iniulat ng Department of Agriculture Regional Office XI na lumabas sa blood sample result noong Biyernes ng gabi na apektado ng avian flu ang itik sa Barangay San Isidro.
“By Saturday, we immediately proceeded to the area with DA-Regulatory Division and Provincial Veterinary Office and on Sunday we had a depopulation of 3,008 ducks,” pahayag ni Carampatana.
Noong March 9, nagsagawa aniya ng blood sampling ang kaniyang mga tauhan para sa monitoring at surveillance purposes makaraang ilabas ng DA Memorandum Circular Number 05 ukol sa AI outbreak sa Maynila.
Napag-alamang nagmula ang mga itik sa President Quirino, Sultan Kudarat.
Kasunod nito, agad naglabas si Mayor Arthur Davin ng Inter-Agency Task Force Advisory No. 04 upang maiwasan ang pagtaas ng AI infection sa iba pang parte ng naturang bayan.
Nakasaad sa abiso ang mga panuntunan para sa magiging hakbang sa domestic at wild birds, alinsunod sa DA-MC 05 at Municipal Ordinance No. 03-2006.
Ipinag-utos nito ang pagsasagawa ng quarantine procedures sa lahat ng borders, kasama ang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs), upang maabot ang mga hakbang sa grassroots level.
Layon din nitong makapaghatid ng tulong sa lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng AI prevention program.