Simula sa Abril 5, makatatanggap ng libreng buwanang medical maintenance ang mga indigent senior citizen sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, kabilang sa mga ipamamahaging gamot ang para sa sakit na hypertension, diabetes, at high cholesterol.
Makatatanggap aniya ang mga senior citizen ng Losartan (50mg/tab), Amlodipine (5mg/tab), Metformin (500mg/tab), at Simvastatin (20mg/tab).
Ayon kay Belmonte, makukuha ang mga gamot sa pamamagitan ng Senior Citizen Maintenance Medicine Program.
“Sa pamamagitan ng programang ito, tutuldukan na natin ‘yung matagal nang suliranin ng mga mahihirap nating mamamayan, lalo na ng mga senior citizen, na walang pambili ng gamot pang-maintenance. Sinisikap ng pamahalaang lungsod na maging accessible para sa lahat ang dekalidad na serbisyong medikal,” pahayag ni Belmonte.
Maari aniyang magparehistro ang mga senior citizen sa pinakamalapit na health center at magpresenta lamang ng ID.
Maaring makuha ang mga libreng gamot tuwing Martes na una nang idineklara ang lungsod na Senior Citizens Day sa 65 health centers sa lungsod.
Bukod sa libreng gamot, binibigyan din ang senior citizens ng libreng flu at pneumococcal vaccines.
“This is just among our city’s programs for our dearest senior citizens. Sinisiguro po namin na alaga po kayo rito sa Quezon City,” pahayag ni Belmonte.