Kumalat sa social media ang panawagang tanggalin sa line-up ng senatorial slate nina Presidential candidate Leni Robredo at Vice Presidential aspirant Kiko Pangilinan si Senator Richard “Dick” Gordon kasunod ng ilang insidente ng pagpapakita umano nito ng kabastusan sa mga campaign sortie.
Sa Robredo-Pangilinan Peoples Rally sa Nueva Ecija ay hindi nagustuhan ng ‘Kakampinks’ ang inasal ni Gordon nang ipakilala niya ang senatorial slate.
Ani Gordon, mayroong mga abogado, incumbent senator subalit nang ipakilala niya si dating Rep. Teddy Baguilat ay ginaya niya ang katutubong sayaw para ilarawan si Baguilat sabay tawa bandang huli.
Ayon sa ilang tweet ng netizens, hindi lang ginagaya ni Gordon si Baguilat kundi mayroong pangungutya.
Sa panig ni Baguilat, sinabi nito sa isang tweet na hindi sya na-offend sa paggaya sa kanya ni Gordon. Gayunpaman, kailangan niyang turuang magsayaw ng katutubong sayaw na Dinuy-a ang senador.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang panawagan ng netizens na ilaglag ng Leni supporters si Gordon.
Sa ilang social media posts, tinukoy nito ang insidente sa Surigao City na inagawan ng mikropono ni Gordon ang surrogate ni Sen. Leila de Lima sa campaign sortie na si Zena Bernardo na siyang unang dapat na magsasalita sa entablado gayundin ang bastos na istilo nito ng pagsasalita sa sorties na palagiang may diin sa kanyang pangalang “Dick”.
Pinupuna rin si Gordon sa hindi nito pag-eendorso sa Presidential bid ni Robredo bagamat dumadalo ito sa mga campaign rally ng Robredo-Pangilinan Team.
Sinabi ni Bernardo na wala pang campaign rally ng Robredo-Pangilinan Tandem kung saan dumalo si Gordon ang kinampanya o nabanggit man lamang sa kanyang talumpati ang presidential bid ni Robredo.
Sa Facebook post ni Bernardo, sinabi nitong free loader ang senador na may libreng appearance lang sa stage ng ‘Kakampink’.
Wala namang pahayag pa si Gordon sa nasabing isyu.