Tagumpay na itinuturing ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang alok na isang buwang libreng sakay ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni MRT officer-in-charge general manager Michael Capati na nasa 300,000 hanggang 400,000 pasahero ang nakikinabang sa libreng sakay.
Nagsimula ang libreng sakay noong Lunes, Marso 28 at tatagal hanggang Abril 30.
Available ang libreng sakay sa MRT-3 araw-araw ng 7:00 hanggang 9:00 ng umaga at 5:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.
Malaking tulong aniya rito ang pagsisimula na rin ng pagbiyahe ng kanilang 4-car train set para mas marami pang pasahero ang maisakay.
Ayon kay Capati, kayang magsakay ng 1,576 na pasahero sa apat na bagon na tren.
Samantala, sinabi ni Capati na pag-aaralan nila, kasama ang Department of Transportation (DOTr), kung palalawigin pa ang panahon ng libreng sakay sakaling tumaas pa rin ang presyo ng krudo hanggang sa ikatlong linggo ng Abril.
Kaugnay nito, sinabi ni Capati na sa susunod na taon ay gagawing apat na bagon ang kada tren na bibiyahe at mawawala na ang tatlong bagon na mga tren.