Nadagdagan pa ang bilang ng mga indibiduwal na naapektuhan ng pag-alburoto ng Bulkang Taal noong March 26.
Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bandang 10:00, Martes ng umaga (March 29), umakyat sa 1,539 pamilya o 5,688 katao ang apektado ng aktibidad sa naturang bulkan.
Nagmula ang mga apektadong mamamayan sa 11 barangay sa probinsya ng Batangas.
Mayroong 17 na itinalagang evacuation center.
Nasa 3,771 ang displaced persons sa loob ng evacuation centers, habang 1,203 naman ang displaced person sa labas ng evacuation centers.
Samantala, base sa 8:00 update ng Phivolcs, nakapagtala ang Taal Volcano Network o TVN ng tatlong phreatomagmatic burst mula sa main crater ng Bulktang Taal na naganap bandang 9:30 ng umaga, 9:33 ng umaga, at 9:46 ng umaga.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala rin ang TVN ng walong volcanic earthquake, kasama ang isang volcanic tremor, na tumagal ng limang minuto at pitong low-frequency volcanic earthquake.