Gatchalian sa DepEd: Maging masigasig sa pagkasa ng pediatric COVID 19 vaccination

Nanawagan si reelectionist Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na mas maging masigasig sa pakikipagtulungan sa pagkasa ng gobyerno ng pediatric vaccination laban sa COVID 19.

Binanggit ni Gatchalian na base sa 10-Point Policy Agenda on Economic Recovery, ipinaliwanag ang kahalagahan ng pagbabalik ng face-to-face classes para mapabilis ang pagsigla ng ekonomiya.

Kasabay nito, pinuna ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education ang datos na 736,143 bata na may edad lima hanggang 11 pa lamang ang fully vaccinated ng proteksyon sa COVID 19.

Aniya ang target ng Department of Health (DOH) ay mabakunahan ang 15.56 milyong bata sa naturang age group at 1.8 milyon pa lamang ang nakatanggap ng kanilang first dose.

Samantalang sa 12 – 17 age group ay may 8.9 milyon na ang fully vaccinated.

“Kung mababakunahan natin ang ating mga kabataan laban sa COVID 19, hindi lamang natin matitiyak ang ligtas nilang pagbabalik sa face-to-face classes. Makakatulong din ito sa muling pagbangon  ng sektor ng edukasyon at ng buong ekonomiya ng ating bansa,” diin ni Gatchalian.

Read more...