Nagpahayag ng kanyang labis na pagkabahala si reelectionist Senator Leila de Lima sa mga ulat ukol sa mga nawawalang peace consultants.
Diumanoy dinukot ang mga peace consultants sa magkakahiwalay na insidente sa Davao del Norte at Samar ngayon buwan.
Nanawagan si de Lima sa Commission on Human Rights (CHR) na masusing imbestigahan ang mga insidente at mahanap ang mga nawawalang peace consultants.
“It’s been roughly a month since two peace consultants and their companions went missing in Davao and we have yet to hear any leads or updates about their disappearance,” banggit ng senadora.
Base sa ulat ng grupong Karapatan, noong Marso 7 nang mawala ang 50-anyos na si Ezequiel Daguman, maging ang kanyang isang kasama habang sila ay papunta sa mga plantasyon ng saging sa Corella, Davao del Norte.
Nang sumunod na araw, hinarang naman ng mga diumanoy sundalo sa Catubig, Northern Samar si Edwin Alcid at hindi na rin sila nakita.
Diin ni de Lima ang mga ganitong insidente ay hindi dapat binabalewala.
Nangangamba siya na babalik muli ang mga araw na marami ang itinuturing na desaparecidos.