Duterte muntik masubsob, pagpapa-selfie hihigpitan na

 

Grig Montegrande/Inquirer

Maghihigpit na ang security team na nakatalaga kay presumptive president-elect Rodrigo Duterte partikular sa mga taga-suporta nito na nagnanais na magpa-selfie sa susunod na Pangulo ng bansa.

Ito ay makaraang muntikan nang matumba si Mayor Duterte kahapon nang dumugin ng mga taong nais na magpakuha ng picture dito.

Ayon kay Chief Insp.Milgrace Driz , tagapagsalita ng Davao City police, kinakailangang ipatupad ang bagong protocol upang matiyak ang kaligtasan ng presumptive president-elect.

Kabilang aniya sa kanilang babaguhin ay ang pagpapatupad ng masinsinang ‘screening process’ sa mga nais na bumisita kay Duterte.

Lilimitahan na rin aniya ang bilang ng mga taong nais na makipagpulong dito simula ngayon at tanging ang mga may beripikadong appointment lamang ang kanilang pahihintulutan.

Bagamat kilala aniya ang alkalde sa pagiging malapit sa sinuman, kinakailangan aniyang magkaroon ng paghihigpit sa seguridad sa susunod na Pangulo upang matiyak na mapapangalagaan ang seguridad nito.

Ngayon pa lamang humihingi na ng pang-unawa si Driz sa mga posibleng maapektuhan ng kanilang ipapatupad na bagong security protocol.

Matatandaang noong Lunes, nagreklamo si Duterte sa dami ng mga PSG o Presidential Security Group na nakapalibot sa kanya at tinawag pa itong OA o ‘overacting’.

Read more...